Tinangka kong ipasok ang natutuhan kong bagong pagpapakahulugan ng salitang "bigat" sa isang maikling kuwento. Isang salita lamang ito ngunit nagtataglay ng iba't ibang kahulugan. Naisip kong maaari rin itong sapitin maging ng mga grupo ng mga salita. Ngunit sa pagkakataong ito, gagamitin ko ang bantas na kuwit upang ipamalas ang pluralidad ng kahulugan sa mga katagang bahagi ng aking maikling kuwento. Layunin nitong ipairal ang kahalagan ng isang katiting na linyang ito sa panitikan.
Aral, Muna
Nasa hayskul na ang matalinong si Muna. Nagtapos siya ng elementarya na may dalawampung medalyang nakasabit sa kaniyang leeg. Napakasuwerte naman talaga ng kaniyang mga magulang sapagkat lumaking maganda at mabait ang kanilang anak. Tila wala siyang kapintasan at palaging nakangiti, kaya marami ang humahanga sa kaniya. Ngunit katulad ng ibang mga kuwento, magkakaroon ng kaunting lamat ang kaniyang pagkatao sa bandang huli na mas lalo niyang ikagaganda. May ganda rin pala sa lamat.
Marami-rami na rin ang nabiktima ng bumiktima kay Muna. Mahirap kasi itong takasan. Sa oras na mahuli ka nito, kailangan mo na lang maghintay na ito mismo ang umiwan sa iyo. Gayunpaman, sa oras ng iyong pagkakulong, tiyak namang matutuwa ka pa rin. Malalitson-paksiw ang buhay mo dahil magkahalo talaga ang tamis at asim sa selda ng pag-ibig.
"What can you say about this saying? Woman, without her, man is nothing," pahabol ng isang guro sa Ingles limang minuto bago matapos ang klase.
"Ma'am I think that should be like this: Woman without her man, is nothing," tugon naman ng isang mag-aaral na lalaki.
Nagkaroon tuloy ng ingay dahil sa pagtatalo ng kababaihan at kalalakihan sa klaseng kinabibilangan ni Muna. Tahimik lamang siya. Sa isip-isip niya, mukhang pareho namang tama ang pinaglalaban ng dalawang panig. Ngunit mas nangibabaw sa utak niya kung kailan kaya niya makikita ang lalaking para sa kaniya. Hindi pa siya nagkakanobyo. Ang ilan sa kaniyang mga kaklase ay mayroon na at nakikita niyang masaya naman ang mga ito sa kanilang nakatuluyan. Biglang tumunog ang bell at nagsilabasan na ang lahat sa kanilang silid-aralan.
Habang naglalakad si Muna at ang kaniyang kaibigang si Sanrio patungo sa kapiterya, biglang lumabas sa bibig ni Muna ang kanina pang gumugulo sa isip niya.
Bumulong si Muna, "Kailan kaya siya darating?"
Napatanong tuloy si Sanrio na narinig pala ang bulong niya, "Sino?"
"Wala. Gusto ko na kasing magkanobyo."
"Ha? Bakit? Hindi kailangan ang pag-ibig."
"Hindi, kailangan ang pag-ibig. Bakit mo naman nasabi iyan? Pag-ibig nga ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay."
"Ah basta, hindi ko kailangan iyan."
Lingid sa kaalaman ni Muna na ilang beses nang nagkaroon ng nobyo si Sanrio bago pa sila naging magkaibigan. Mga lima na yata. Hindi maganda ang naging takbo ng lahat ng relasyon niya sa mga ito. Kaya mula noon, naging matigas na ang puso niya. Parang may dagta ng ampalaya ang kaniyang dugo sa tuwing nakakikita siya ng mga masayang magkasintahan. Mukhang hindi rin naman siya masisisi dahil limang beses siyang nasugatan at tila hindi pa naghihilom ang mga ito hanggang ngayon.
Papasok na ang dalawa sa kapiterya ng biglang makabangga nila ang isang lalaking matulin ang takbo papalabas. Kapuwa bumagsak ang dalawa ngunit halatang napuruhan ang kaliwang binti ni Muna.
"Ayos lang ba kayo? Pasensiya na," ang pagpapaumanhin ng lalaki.
"Ayos lang ako," ang mabilis at malamig na tugon ni Sanrio habang papatayo.
"Ayos lang, ako," sagot naman ni Muna, may pagputol sa kaniyang pagkasabi upang idiin ang salitang "ako" dahil sa tingin niya ito na ang lalaking para sa kaniya. Papatayo na sana siya nang biglang napaupo siyang muli dahil sumakit ang kaniyang kaliwang binti. Hindi siya nagdadahilan para makasama pa ang lalaking iyon. Totoong masakit ang kaniyang binti.
Dinala ng lalaki si Muna sa klinika para magamot ang kaniyang napilay na binti. Pinayuhan siya ng nars na makakapasok na siyang muli bukas kapag nakapagpahinga siya nang maayos. Nakaupo si Muna at ang lalaki sa sofa sa loob ng klinika. Silang dalawa lang. Umalis na kasi si Sanrio para sa susunod niyang klase at upang ibalita sa mga guro ni Muna na liliban muna siya dahil sa tinamong pilay.
"Pasensiya ka na. Ako nga pala si Allan," ang paunang sambit ng lalaki.
"Okey lang 'yon. Makapapasok naman na ako bukas," ang mabait pa ring tugon ni Muna.
"Ito nga pala ang cellphone number ko. Tawagan mo ako kung sakaling magaling ka na. Hindi kakayanin ng konsensiya ko kung hindi ka makapapasok bukas," at binigay niya ang isang kapirasong papel.
Tinanggap iyon ni Muna nang may ngiti. Mukhang may halo itong kilig. Dumating na ang mga magulang ni Muna para sunduin siya. Inalalayan pa rin siya ni Allan hanggang sa sasakyan. Nakauwi na nga si Muna sa kanilang bahay dala ang tamis ng mga tagpong iyon.
Kung paanong naging mabilis ang eksena sa paaralan kanina ay ganoon din kabilis ang pagtibok ng puso ni Muna para kay Allan. Naging sabik ang utak niya upang tawagin itong pag-ibig. Ngunit baka pag-ibig nga naman talaga ito. Ito na ang simula ng kaniyang pagkakulong.
Pagkarating sa bahay, inilagay niya kaagad sa kaniyang cellphone ang numero ni Allan. Hindi na siya nagdalawang-isip pa para tawagan ang lalaki. Naging matagal ang kanilang pag-uusap. Nagbatuhan sila ng mga matatamis na banat sa isa't isa. Hindi na nag-atubili pa si Muna at nagyayang kumain sila nang sabay bukas. Naging higit na mapusok pa si Muna nang mapunta sila sa usapin ng pag-ibig. Ngunit biglang namatay ang koneksiyon nila dahil wala na pala siyang load. Hindi siya nakapost-paid at dahil gabi na, hindi na siya makapagloload pa sa labas. Wala na siyang nagawa kundi matulog na lang.
Kinaumagahan, sabik na pumasok si Muna sa eskuwelahan. Iniisip niya kasi ang mangyayari mamaya. Balak na nga niyang umamin kay Allan sa kaniyang nararamdaman. Masyado talaga siyang mabilis magdesisyon. Ito na siguro ang kapintasan niya. Ito na rin marahil ang magdadala sa kaniya ng sugat na mas masakit pa sa pilay, o mas malalim pa sa huling apat na sugat na tinamo ni Sanrio sa mga dati niyang naging nobyo. Sabi nga sa isang matandang kasabihan, "Ang lumakad ng matulin, kung matinik ay malalim."
At ito na nga ang pangyayaring lalamat sa pagkatao ni Muna. Oras na upang magkita si Muna at Allan dahil sa napag-usapan nila kagabi. Balak nilang magkita sa kapiterya, ang lugar na siya ring dahilan ng kanilang unang pagkikita. Hindi niya aakalaing ito rin ang lugar na wawasak sa puso niya sa unang pagkakataon. Pumasok na siya sa kapiterya. Agad niyang natanaw si Allan. Hindi na nakagugulat iyon dahil iyon naman ang inaasahan niya. Subalit hindi lang si Allan ang nakikita niya. May kasama itong babaeng hindi naman kasama sa kuwento magmula kanina. Saan ba nagmula ang babaeng ito? Ngunit hindi ito ang tanong sa isipan niya kundi ano ang relasyon ng babaeng ito sa Allan niya. Lingid sa kaniyang kaalaman na ito ay kasintahan ni Allan kaya wala talaga siyang karapatang angkinin ang lalaki. Lumapit siya sa dalawa.
"Oh, Muna. Nariyan ka na pala. Si Norma, ang kasintahan ko," pagpapakilala ni Allan.
"Ah, Haha. Ikinagagalak kitang makilala, Norma," nakangiting bati ni Muna kay Norma habang iniaabot ang kamay nito.
Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Muna. May kung anong bagay na humihila puso niya pababa. Nais niyang maglaho sa kinatatayuan niya. Ngunit natatakpan ng mapagkunwari niyang ngiti ang tunay niyang nararamdaman. Nais niyang kausapin nang mag-isa si Allan kaya ipinagpaalam niya ito kay Norma sa kadahilanang kailangan niya itong kapanayamin para sa isang takdang gawain. Lumabas na si Muna at Allan sa kapiterya.
Agad na tinanong ni Muna si Allan, "Bakit hindi mo agad sinabing may kasintahan ka?"
"Sasabihin ko na sana pero nawala ka kasi sa linya. Wala rin akong load na pantawag nang mga panahong iyon," ang paliwanag ni Allan.
Isa pang tanong na bakit ang binitawan ni Muna, "Bakit nakipagpalitan ka sa akin ng mga matatamis na salita?"
"Dahil gusto kong pagaanin ang loob mo. Napilay ka dahil sa akin. Kahit sa ganoon paraan man lang ay makabawi ako sa iyo," muling paliwanag ni Allan.
"Hindi ba puwedeng tayo na lang? Ako na lang ang mahalin mo," isang napakatangang tanong ni Muna. Dahil sa linyang ito, marahil nagiging tanga nga ang isang tao kapag umiibig.
"Si Norma ang kasintahan ko. Pasensiya ka na, Muna," huling tugon ni Allan at tuluyang iniwan si Muna na nangingilid na ang mga luha.
Humagulgol si Muna. Ito na marahil ang pinakamabigat na naramdaman niya. Mabigat naman talaga ang hindi pagtutugma ng kaya sa gusto. Kaya niyang magmahal subalit hindi niya makuha ang nais niyang mahalin. Nais niyang magkaroon ng pananagutan kay Allan ngunit hindi siya mapananagutan nito. Hindi niya alam kung sino at ano ang sisisihin - ang pagkawala ba niya ng load, ang pagsulpot ni Norma sa kuwento, o ang pagiging mapusok niya. Nalilito na siya.
Itinuon na lamang ni Muna ang sarili sa pag-aaral. Mabuti na lamang at hindi nakapagdulot ng masama ang kaniyang naging mapait na karanasan. Hindi pa siya umabot sa sinapit ni Sanrio. Ngunit alam niyang magiging peklat ito para sa kaniya na magsisilbi ring hudyat ng kaniyang pagbabago patungo sa pagiging mas matalinong babae. Priyoridad na muli niya ang edukasyon. Napagtanto niyang hindi pa siguro iyon ang oras at pawang abnormal na pagdami lamang ng dopamine at oxytocin ang sanhi ng pagkahumaling niya kay Allan. Kung paanong mabilis niyang minahal si Allan ay ganoon din kabilis niya itong nakalimutan. Handa pa rin naman siyang magmahal sapagkat iniisip niyang nabubuhay siya para dito. Ngunit, susubukin niya nang timbangin ang pag-ibig na iaalay sa kaniya. Masuwerte si Muna. Bibihira lamang ang ganitong kuwento.