Maliban sa pagiging nobelista ni Rizal, kilala rin siya bilang isang makata. Isa sa mga ginawa niyang tula ay ang "Mi Ultimo Adios." Kaya naman, bilang paggunita ko sa kaniyang talento, naisip kong isatula ang isang kabanata sa kaniyang nobelang Noli Me Tangere na pinamagatang "Ang mga Sakristan." Hinati ko sa maraming bahagi ang kabanata at tinangka kong isulat ang mga ito na ayon sa tatlo sa pinakamatatandang anyo ng tulang Tagalog: ang diona, tanaga, at dalit. Sa pagkakataong ito, nais kong sanayin ang aking sarili sa pagsulat ng katutubong tula na matagal ko na ring hindi nagagawa.
Binubuo ng tatlong taludtod na may sukat na pipituhin ang diona. Binubuo naman ng apat na taludtod na may sukat na pipituhin ang tanaga. Samantala, ang dalit ay binubuo ng apat na taludtod na may sukat na wawaluhin.
Narito na ang aking tulang bersyon ng "Ang mga Sakristan" ni Rizal:
Dalit
Kampana'y pinatugtog
Ng mga batang bugbog
Sa 'sang simbahang bantog.
Tanaga
Naghihintay ang ina
at sabik na makita
ang mga anak niya
na 'di tulad ng ama.Dalit
Napagbintangang nagnakaw
ng salaping 'di malitaw;
hindi uuwi sa bahay
kung 'di ito maibigay.Diona
Dalangin lang ni Crispin,
sakit ay 'wag sapitin
ng katawang patpatin.Tanaga
Kita sa isang buwan,
Nakuha pang multahan,
Nang ang punong sakristan,
Ay bingi sa kat'wiran.Dalit
Kita'y kulang na pambayad
ng perang hindi lumapat
sa kanilang mga palad -
isang hinalang mabigat.Diona
Paluin man ng kura,
'Di pa rin makukuha,
Ninakaw kunong k'walta.Tanaga
Tiyak na magagalit,
Inang 'di makaidlip,
Sa latay na sinapit
Ng anak na mabait.Dalit
Gusto man nilang umuwi,
Batid na 'di maaari,
Naghihintay pa ang pari,
Dalawang onsa'y mabawi.Diona
Masarap na hapunan
sa kanilang tahanan,
ninanais ng kalamnan.Tanaga
Hindi tamang tumunog,
Kampanang nasa tuktok,
Umakyat nang padabog,
Binatilyong mapusok.Dalit
Punong sakristan ay puyos
ng galit sa mga musmos;
ibig ba nitong manubos
sa trabahong 'di maayos?Diona
Ikasampu ng gabi,
Pag-uwi na sinabi,
Kaya't 'di mapakali.Dalit
Si Basilio'y nangat'wiran
Ngunit hindi pinakinggan,
'Di na p'wede sa lansangan
'Kasiyam ng gabi pa lang.Tanaga
Biglaang sinambilat,
Bisig na pagkapayat,
Ni Crispin na nagulat,
At saka kinaladkad.Diona
Naglaho na sa dilim
ang katawan ni Crispin
kasabay ang pagdaing.Dalit
Maririnig ang pag-iyak
ng kapatid sa may lapag;
sampal ay lumalagapak -
nagbibigay ng bagabag.Tanaga
Mabilis na kinalag
ang tali't saka lumundag;
tumakas nang maluwag
si Basiliong matatag.
Sanggunian:
Almario, Virgilio S. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula. Lungsod Pasig: Anvil Publishing, 1991.
No comments:
Post a Comment